Nagsimula na ring maghanda ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan para sa paggunita sa Undas 2023.
Sa katunayan, mag-iikot si San Juan City Mayor Francis Zamora sa San Juan City Cemetery bukas, October 25.
Layon nito, na tiyakin ang kahandaan ng nabanggit na himlayan para sa dagsa ng mga magnanais gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Maliban sa San Juan City Cemetery, iikutin din ng alkalde ang mga kolumbaryo ng St. John the Baptist at Santuario del Sto. Cristo.
Ipakakalat din ng San Juan City LGU ng kanilang mga tauhan mula sa Safety Office at Task Force Disiplina, kaagapay ang San Juan PNP at San Juan BFP para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa mga sementeryo sa lungsod.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Zamora ang mga residente nito na simula October 28, bawal na ang pagpasok ng mga ipinagbabawal gaya ng matatalas na bagay, armas, iligal na droga, nakalalasing na inumin, bisikleta, at motorsiklo.
Bawal din ang mga baraha, pagpapatugtog ng malakas, pagsusugal gayundin ang pagbebenta ng bulaklak, kandila, at iba pa nang walang permiso mula sa City Hall. | ulat ni Jaymark Dagala