Nakatakdang magpulong ngayong araw ang ilang grupo ng mga negosyante at ang Securities and Exchange Commission (SEC) upang talakayin ang panukalang pagtataas ng fees and charges ng komisyon.
Sa statement ng SEC, sinabi nito na welcome sa kanila ang mga concerns ng mga business groups kung saan inireklamo ng mga ito ang planong pagtataas ng halaga ng regulatory fees at tinawag itong “money-making” scheme.
Tugon ng SEC sa mga stakeholders, titiyakin nilang ang anumang pagsasaayos sa mga bayarin at singil ay dadaan sa pag-aaral at naayon sa halaga ng pag-regulate sa sector ng korporasyon at capital market.
Depensa ng komisyon, magiging makatwiran ang pagtaas ng mga regulatory fees upang walang dagdag na pasanin sa publiko.
Layon din ng pulong na pagsama-samahin ang pananaw ng komisyon at mga stakeholder upang masiguro na ang anumang bagong patakaran sa regulasyon ay upang isulong ang mga hangarin ng Marcos Jr. administrayon na pagpapabuti ng negosyo at kapital sa bansa.
Kabilang sa grupo ng mga negosyante na nagpaabot ng kanilang sentimyento sa SEC ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., Philippine Exporters Confederation, Inc., Employers Confederation of the Philippines, Management Association of the Philippines, Chamber of Thrift Banks, Philippine Retailers Association, Philippine Franchise Association, Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Stratbase ADR Institute for Strategic and International Studies, at ang Philippine Food Processors and Exporters Organization, Inc. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes