Nakahanda na ang iba’t ibang law enforcement at security units ng bansa para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 31.
Ito’y makaraang pangunahan ng Commission on Elections o COMELEC ang simultaneous send-off ceremony para sa may 1,155 mga miyembro security forces na isinagawa sa Kampo Crame ngayong araw.
Mula sa nasabing bilang, 715 dito ay mula sa Philippine National Police o PNP, 250 naman mula sa Armed Forces of the Philippines o AFP habang 100 dito ay mula sa Philippine Coast Guard o PCG.
Kalahok din sa naturang bilang ang may 90 guro mula sa Department of Education o DepEd na siyang kumakatawan naman sa mga tatayong Board of Elections Inspectors o BEIs.
Maliban sa mga tauhan, kasama rin sa mga itinurn-over sa COMELEC ang mga kagamitan na kakailanganin sa pagtugon sa anumang uri ng sitwasyon.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, layunin nito na tiyakin na magiging maayos, mapayapa at ligtas ang darating na halalan. | ulat ni Jaymark Dagala