Nagpasalamat si Senador Chiz Escudero na nakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kinakailangan pang pag-aralang mabuti ang implementing rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Ipinaliwanag ni Escudero na hindi naman na pwedeng ibasura ang MIF law at maaari lang pag-aralan kung maaaring maresolba sa implementing rules and regulations (IRR) ang anumang nakitang kakulangan sa batas.
Ipinunto rin ng senador na mayroon ring choice ang Punong Ehekutibo kung anong mga batas ang nais nitong ipatupad at pondohan.
Kaya naman kung hindi aniya talaga kumbinsido si Pangulong Marcos sa MIF law ay maaaring huwag na lang itong pondohan.
Sa ngayon ay sinabi ni Escudero na maaari munang bawiin ng Landbank of the Philippines at ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang pondong ni-remit nila para sa MIF.
Una nang nakapag-remit ang Landbank ng P50-billion at ang DBP ng P25-billion sa Bureau of Treasury para sa initial capital ng MIF. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion