Hinikayat ni Senadora Cynthia Villar ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magdesisyon na tungkol sa kanilang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) sa grupong Socorro Bayanihan Services Inc (SBSI).
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng DENR, inisa-isa ng ahensya ang mga paglabag ng SBSI sa kanilang kasunduan.
Kabilang na dito ang pagtatayo ng checkpoints, access roads, volleyball court, recording studio at radio station sa lugar.
Paliwanag naman ni DENR Undersecretary Joselin Marcus Fragada, isa sa mga konsiderasyon nila ang magiging resettlement ng nasa 3,000 indibidwal na naninirahan sa Sitio Kapihan.
Ayon pa kay Fragada, ang binuong inter-agency na kinabibilangan ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), DENR at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang magdedesisyon sa magiging hakbang sa usaping ito.
Iminungkahi naman ni Villar na ilipat na lang ang mga residente ng lugar sa isang proyekto ng National Housing Authority (NHA)
Ibinahagi naman ni DHSUD Caraga Regional Director Cristie Reyes, ang residential housing sites na mayroon sila sa ngayon ay nasa Surigao City pa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion