Nakahanda si Senate Minority Leader Koko Pimentel na imbestigahan ang alegasyon ng katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Pimentel, handa siyang maghain ng resolusyon para makapagsulong ng Senate Inquiry tungkol sa isyu kung walang ibang seryosong magsisiyasat sa isyu.
Pero sa ngayon ay mag-aantabay muna aniya ang Senador sa hakbang na gagawin ng National Bureau of Investigation (NBI) na unang hiniling ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mag-imbestiga.
Samantala, sinabi naman ni Senate Committee on Public Services Chairperson at Senadora Grace Poe na dapat ring imbestigahan ang biglang pagbawi ni Jeff Tumbado ng kanyang alegasyon ng korapsyon sa ahenysa.
Sinabi ni Poe na kaduda-duda ang pagbawi nito ng nauna niyang pahayag at dapat malaman kung ano ang tunay na dahilan sa pagbawi ng kanyang unang salaysay.
Dapat aniyang silipin kung may nag-udyok dito na bawiin ang kanyang mga alegasyon at kasuhan ito kung walang basehan sa kanyang retraction.
Isinusulong rin ni Poe na dapat magkaroon ng audit sa LTFRB. | ulat ni Nimfa Asuncion