Tiwala si Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Senator Risa Hontiveros, na mabibigyan ng DSWD ng kinakailangang kalinga at proteksyon ang mga dating miyembro ng sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc (SBSI).
Ito ay matapos makumpirma na nasa protective custody na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang ilan sa mga dating miyembro ng SBSI.
Ayon kay Hontiveros, pinakamahalagang matutugunan ng DSWD ngayon ay ang psychological needs ng mga bumabang miyembro ng grupo.
Umaasa ang senator, na ang development na ito ay magreresulta kalaunan sa pag-rescue sa mga natitira pang residente ng Sitio Kapihan.
Binigyang diin rin ng mambabatas, na mahalaga ang malayang testimonya ng mga dating miyembro ng SBSI para mapanagot ang mga lider ng kulto, at makumbinsi ang mga natitirang miyembro ng grupo na umalis na rin.
Kaugnay naman ng sinasabing magiging humanitarian crisis na idudulot kapag pinawalang bisa ng DENR ang kasunduan nito sa SBSI, na gamitin ng grupo ang bahagi ng protected area sa Socorro, Surigao del Norte…sinabi ni Hontiveros na trabaho na ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tulungan ang mga residente ng Sitio Kapihan na makabalik sa dati nilang tahanan at trabaho.
Higit 3,000 miyembro ng SBSI kung saan higit 1,000 ang mga bata. | ulat ni Nimfa Asuncion