Para kay Senador Sherwin Gatchalian, prudent move ng presidente ang pag-uutos na suspendihin muna ang implementing rules and regulations (IRR) ng Maharlika Investment Fund (MIF) law.
Ayon kay Gatchalian, mainam na pag-aralang mabuti ang mga idinedeposito ng Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP) para matiyak ang stability ng dalawang bangko.
Ipinunto ng senador na kapag nagkaroon kasi ng problema sa pondo ng Landbank at DBP ay maaaring maapektuhan nito ang buong banking industry sa Pilipinas.
Kabilang aniya sa mga dapat na tiyakin ay kung kayang malabanan ng dalawang bangko sa anumang economic situation kahit na magdeposito sila ng pondo sa MIF.
Sinabi rin ng senador na hindi dapat madaliin ang pag-aaral na gagawin sa MIF law.
Giit ni Gatchalian, kung may makikitang economic impact ay dapat itong araling maigi para matiyak na magiging matatag ang dalawang bangko at ang banking system ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion