Itinanggi ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sonny Angara na ‘done deal’ na ginawang hakbang ng kamara na alisan ng confidential and intelligence fund (CIF) ang limang ahensya ng gobyerno.
Tugon ito ni Angara na sa pahayag ni House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co na hindi na mababago ang desisyon ng Kamara at na sumang-ayon na ang Senado dito.
Pero giit ng senador, wala pang mga naging pag-uusap ang dalawang kapulungan ng Kongreso tungkol sa pag-aalis ng CIF
Hindi rin aniya totoo na nagkaroon ng pulong tungkol sa usapin na ito ang Senado at Kamara.
Sa kabila nito, muling giniit ni Angara na nirerespeto nila ang desisyon ng Kamara tungkol sa pag-aalis ng CIF sa ilang civilian government agencies.
Pinunto ng senador na mayroon naman silang sariling pananaw at ito ang sa tingin nila ang tama.
Kabilang sa mga ahensyang inalisan ng Kamara ng CIF ang Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Foreign Affairs (DFA).| ulat ni Nimfa Asuncion