Matapos ang nadiskubreng pagkakasangkot ng isang POGO hub sa prostitusyon at sex slavery, nananawagan si Senador Sherwin Gatchalian kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kagyat na pagbabawal o pag-ban sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Sa ni-raid kasing isang POGO hub sa Pasay City ay nadisdkubre ang isang ‘aquarium style’ viewing room kung saan maaari umanong mamili ng mga babae ang mga customer at may mga na-recover rin na sex paraphernalia at condoms sa lugar.
Pinahayag ni Gatchalian na ito na marahil ang pinakamasamang ginawa ng mga POGO.
Ang natuklasan aniya ng mga awtoridad ay isang self-contained hub para sa sexual exploitation at slavery na talaga namang nakakabahala.
Binigyang diin ng senador na ang insidenteng ito ang malinaw na kumpirmasyon na magpapatuloy lang ang mga krimen na nakaugnay sa mga POGO hangga’t hindi ganap na pinapatigil ang buong industriya.
Una nang isinusulong ni Gatchalian ang agad na total ban sa mga POGO sa pilipinas at nakapaglabas na rin ng committee report ang pinamumunuan niyang Senate Committee on Ways and Means kaugnay ng rekomendasyong ito.| ulat ni Nimfa Asuncion