Nakakagalit ang napaulat na insidente ng pagbangga ng isang dayuhang maritime vessel sa isang Pinoy fishing vessel sa West Philippine Sea lalo’t ikinasawi ito ng tatlong indibidwal.
Ito ang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri kasunod ng inilabas na ulat ng Philippine Coast Guard tungkol sa insidente na nangyari sa Bajo de Masinloc.
Base sa ulat ng PCG, kabilang sa mga nasawi ang kapitan ng fishing vessel at dalawang crew nito.
Ayon kay Zubiri, habang hindi pa klaro ang detalye ng pangyayari, ang malinaw sa ngayon ay nagkaroon ng pagbalewala sa buhay ng ating mga kababayan na naghahanap-buhay lang sa karagatang bahagi ng ating teritoryo.
Tiniyak ng senate president na hindi dapat tumigil hangga’t hindi nalalaman ang buong detalye ng insidente at matukoy ang barkong bumangga sa ating mga mangingisda.
Kailangan rin aniyang malaman na kung aksidente ang nangyari ay nagkaroon ba ng hakbang ang nakabanggang barko na tulungan ang ating mga kababayan gaya ng itinatakda ng international humanitarian laws.
Kasabay nito ay nagpahayag si Zubiri ng pakikiramay sa naiwang pamilya ng mga nasawing mangingisda at nangakong tutulungan silang makahanap ng hustisya.
Hihintayin aniya ng senador ang magiging report ng PCG sa insidenteng ito. | ulat ni Nimfa Asuncion