Nanawagan si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na suspendihin muna ang implementasyon ng R.A. 11934 o SIM Card Registration Act sa gitna ng cybersecurity attacks sa government websites at data systems.
Diin ng mambabatas, kailangan munang tiyakin ng pamahalaan na matatag ang cybersecurity ng bansa at hindi muna dapat kumuha ng anumang dagdag na data mula sa publiko.
Punto pa ng mambabatas na kalakhan sa mga SIM card ng ating mga kababayan ay connected sa mga social media accounts, messaging apps at online banking.
Pawang mga sensitibong impormasyon ang mga ito at delikado aniya kapag napasakamay ng masasamang loob.
Dagdag pa ni Manuel na dapat mapalakas ang data protection mechanisms ng pamahalaan at susi rito ang pagsuporta sa ating homegrown IT specialists. | ulat ni Kathleen Jean Forbes