Tuloy na tuloy ang gagawing occular inspection ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs bukas sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte kung saan nakatira ang sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ayon kay Dela Rosa, wala pang ibang senador na nagkumpirma hanggang ngayon na makakasama sa kanya bukas pero ang ilan aniya sa mga kasamahan niya ay nagpadala ng kanilang staff para makasama sa inspeksyon.
Sinabi ng senador na kabilang sa mga sisilipin nila sa lugar ang impormasyon na mayroong mass grave doon.
Nilinaw naman ni Senador Bato na hindi sila maghuhukay sa Sitio Kapihan kundi magtatanong-tanong sa mga residente doon kung sino-sino ang mga nakalibing at kung ano ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
Base aniya dito ay saka sila magdedesisyon kung kinakailangan pa ng dagdag na mga aksyon at saka nila ito irerekomenda sa kaukulang ahensya ng gobyerno.
Tiwala naman ang senador sa magiging seguridad ng kanyang grupo sa gagawin nilang occular inspection bukas ng umaga.
Naniniwala aniya siya sa pahayag ng mga local security forces sa lugar na kontrolado nila ang sitwasyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion