Pinagtibay ng House Special Committee on Creative Industries ang isang resolusyon upang kilalanin ang Pinay na itinanghal na Asia’s Best Female Chef sa Singapore.
Ayon sa House Resolution 1300, iginawad ng Asia’s 50 Best Restaurants Academy sa Filipino Chef na si Johanne Siy, ang parangalan nitong Marso sa Singapore.
Si Siy ay chef ng Lolla, isang restaurant sa Singapore.
Tubong Dagupan City, Pangasinan si Siy at nagtapos ng culinary studies sa Culinary Institute of America sa New York, kung saan siya nagtrabaho sa three-Michelin star restaurant na Le Bernardin, at sa Michelin Star restaurant na Café Boulud.
Lumipat siya sa Singapore at nagtrabaho sa Restaurant Andre bago pumunta sa Europa kung saan siya nagtrabaho sa Faviken sa Sweden at sa three-Michelin star restaurant na Noma sa Denmark.
Noong unang bahagi ng COVID-19 pandemic ay lumipat si Siy sa Singapore at naging head chef ng Lolla.
Bilang head chef, kinilala ang Lolla bilang 75th Asia’s Best Restaurants ayon sa Asia’s 50 Best Restaurants Academy. | ulat ni Kathleen Jean Forbes