Ipinaabot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Israel at ng Philippine Embassy in Israel ang inilaang tulong pinansyal para sa mga OFW na lubhang naapektuhan ng pag-atake ng grupong Hamas sa bansang Israel.
Ayon sa OWWA, maaaring mag-apply ng Special Financial Assistance kung kayo ay OFW na ang tirahan o worksite ay nasa mga kritikal na lugar na tinukoy ng Israel Defense Forces (IDF), mga na-rescue o na-evacuate sa mas ligtas na lugar, at mga wala nang trabaho o nawalan ng trabaho dahil sa kaguluhan at epekto nito.
Para mag-apply, kailangan lamang mag-email sa [email protected] at ipahiwatig ang ilang impormasyon tulad ng tirahan, address ng pinagtatrabahuhan, kalagayan sa panahon ng kaguluhan, kasalukuyang lokasyon, at cellphone number. Isasama ang application sa listahan ng mga susuriin ng OWWA for eligibility at approval.
Kailangan ding ihanda ang mga sumusunod na requirements: Duly accomplished Request for Assistance Form, at least one (1) na OWWA membership fee payment, at valid na passport.
Para sa karagdagang impormasyon tulad ng mga lugar na tinukoy ng IDF bilang mga critical areas, maaaring bumisita sa OWWA-Israel at Philippine Embassy Israel sa social media.
Maliban dito nauna ng sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW), na ang mga OFW na babalik sa Pilipinas mula sa Israel ay makakatanggap din ng P50,000 bawat isa mula sa DMW at OWWA, bukod pa sa skills training, financial assistance mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang uri ng mga tulong mula sa pamahalaan. | ulat ni EJ Lazaro