Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalin sa Department of Energy (DOE) at sa mga distribution utilities na tiyaking tuloy-tuloy ang magiging suplay ng kuryente sa araw ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes, lalo na sa mga itinuturing na ‘election hotspots’.
Ayon kay Gatchalian, anumang pagkaputol ng kuryente sa araw ng halalan ay maaaring magdulot ng mga alalahanin tungkol sa kapayapaan at kaayusan at sa posibilidad ng dayaan.
Partikular aniyang posibleng maging sanhi ng hindi kanais-nais na pangyayari ang kawalan ng kuryente sa mga election hotspots.
Ipinunto ng mambabatas na ang bilang ng mga barangay na nasa ilalim ng red category o mga lugar na may mataas na banta ng kaguluhan sa eleksyon ay tumaas na sa 361 mula sa 119.
Kaya naman iginiit ni Gatchalian na kailangang makipagtulungan ang DOE sa iba’t ibang grupo sa sektor ng enerhiya, partikular sa mga power generation, transmission at distribution utilities na may operasyon sa mga election hotspot para masigurong walang magiging aberya sa suplay ng kuryente. | ulat ni Nimfa Asuncion