Muling iginiit ni suspended LTFRB Chair Teofilo Guadiz III na walang katotohanan ang ibinatong alegasyon sa kaniya ng dati nitong executive assistant tungkol sa ‘route for sale’.
Sa motu proprio inquiry ng House Committee on Transportation patungkol sa alegasyon ng korapsyon sa LTFRB, humarap si Guadiz at si Jeff Tumbado, ang dati nitong EA.
Matatandaan na sa isang press conference kasama ang grupong Manibela, isiniwalat ni Tumabado na kapalit ng ruta ay naglalagay ng bayad.
Dito, inilatag ni Guadiz ang proseso ng pagbibigay ng ruta sa pampublikong sasakyan.
Aniya, ang mga LGU ang nagsusumite ng rekomendasyon sa LTFRB sa ruta at dedesisyunan ng LTFRB Board kaninabibilangan niya at dalawang board member.
Kaya aniya wala siyang monopolyo sa pagdedesisyon ng bibigyan ng bagong ruta.
Katunayan, sa kaniya aniyang panunungkulan bilang LTFRB chair, ay hindi sila nagbukas ng bagong ruta.
Ang tanging ruta lamang na kanilang binuksan ay para sa apektadong biyahe dahil sa pansamantalang suspensyon ng biyahe ng PNR.
Sinabi rin ni Guadiz na anumang ulat ng katiwalian sa LTFRB ay agad niyang pinasisiyasat.
Ang nagiging problema lamang aniya ay wala naman tumatayong complainant o nais tumestigo sa reklamo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes