Hindi pa nakakapaningil ng ₱1 taas-pasahe ang mga jeepney driver na may byaheng Delta sa West Avenue, Quezon City.
Sa panayam sa RP1 team, sinabi ng mga tsuper na kahit naaprubahan na ay nag-aalangan pa silang ipatupad ito dahil wala pa silang hawak na taripa o fare matrix.
Ayon din kay Mang Emmanuel, jeepney driver, mahirap maningil ng ₱13 minimum fare kung wala pang nakapaskil na taripa dahil hinahanap ito ng mga pasahero.
Sinabi rin ni Mang Renato na nagagalit ang ilang pasahero kung walang nakikitang fare matrix.
Sa kwento naman ni Mang Ricky, kahit hindi pa ito nagpapatupad ng taas-pasahe ay may ilang pasahero na ang nagkukusang magbigay kahapon ng ₱13 pamasahe.
Para sa mga tsuper, malaking bagay ang inaprubahang provisional fare hike dahil dagdag na ₱200 din ito sa kanilang arawang kita.
Samantala, umaasa rin ang mga tsuper na matuloy ang nakaambang bigtime rollback sa presyo ng produktong petrolyo bukas na makakapagpagaan din sa kanilang pamamasada. | ulat ni Merry Ann Bastasa