Nagtapos ng maayos at mapayapa ang ikinasang transport strike ng grupong Manibela nitong Lunes, October 16, ayon sa assessment ng Quezon City Police District (QCPD).
Matapos ang monitoring ng QCPD, wala itong naiulat na anumang transport strike-related violence o incident sa buong lungsod.
Ayon sa QCPD, bunsod ito ng pinaigting na presensya ng mga tauhan nito na ipinakalat sa iba’t ibang lugar at pati na rin sa suporta ng pamahalaang lungsod.
Kasunod nito, pinasalamatan naman ni Police Brigadier General Redrico Maranan ang buong pwersa ng QCPD sa epektibong pagpapatupad ng security plan sa kabuuan ng transport strike.
“I guarantee to everyone that the entire force of QCPD is always prompt in the implementation of its public safety and security plan throughout,” ani Brig. Gen. Maranan.
Bukod sa QCPD, nagpasalamat din si Gen. Maranan sa Quezon City Traffic and Transport Management Department, DPOS, TF Disiplina at sa buong pamunuan ng Quezon City LGU sa maayos at matagumpay na serbisyo ng libreng sakay. | ilat ni Merry Ann Bastasa