Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang isang makabagong kampanya para mabawasan ang basura sa kapaligiran at pangalagaan ang kalikasan.
Sa proyektong pinamagatang “Trash to Goods Project” hinihikayat ang mga residente na mag-segregate ng kanilang mga basura at ipalit ang mga ito sa mga kalakal tulad ng bigas, de lata, noodles, at iba pang mga bagay.
Sinabi ni Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano na layunin ng proyektong mapahusay ang active waste management sa mga Pasayeño at mabawasan ang dami ng basurang napupunta sa mga tapunan o mga daanan ng tubig.
Sinabi rin niyang ang proyekto ay makatutulong sa mga residenteng maging mas maaasahan at responsable sa pag-aalaga ng kanilang kapaligiran.
Binati naman ng Pasay Mayor ang Pasay City Environment and Natural resources Office (PCENRO) sa magandang inisyatibong ito. | ulat ni EJ Lazaro