Ipinaabot na ng pamahalaan ang tulong pinansyal sa pamilyang naiwan ng Filipino fisherman na nasawi sa Taiwan.
Sinasabing ang Pilipinong mangingisda ay nagtatrabaho sa isang fishing company sa Taiwan na namatay habang nasa loob ng isang Taiwanese vessel noong huling bahagi ng Hunyo.
Ayon kay MECO Chairman Silvestre Bello III, ito ang unang kasong naitala kung saan isang OFW ang namatay na sakop ng kanilang filed office sa Taiwan.
Batay sa autopsy, ang 28-taong gulang na OFW ay namatay dahil sa atake sa puso habang nasa karagatan.
Noong September 14 lamang din nakarating ng bansa ang labi ng OFW dahil sa autopsy na isinagawa sa Taiwan Prosecutor’s Office.
Ayon din kay Labor Attaché David Des Dicang ng Migrant Workers Office sa Kaohsiung, ang pagkaantala ay sanhi din sa delays sa pagproseso ng mga dokumento at sunod-sunod na bagyo na tumama sa Maynila at Taiwan.
Sa ngayon, bukod sa insurance benefit na NTD1.5 million o katumbas ng higit sa P2.6 million nakatanggap din ang pamilya ng OFW mula Narvacan, Ilocos Sur ng P100,000 bilang death benefits, burial assistance na P20,000 at livelihood grant na P15,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Meron din tulong pinansyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW) na nagkakahalaga ng P30,000.
Ipinaabot naman ni Chairman Bello pakikiramay nito sa pamilya ng yumao na OFW at sinuguro ang nararapat na tulong na dapat matanggap ay maibigay agad. | ulat ni EJ Lazaro