Binigyang-diin ni Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship Chairperson Senador Mark Villar na kailangang maging consistent sa pag-monitor ng presyo ng mga bilihin lalo na ngayong malapit na ang holiday season.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang pagsama niya sa isang price monitoring activity ng Department of Trade and Industry (DTI) kahapon.
Sa naturang aktibidad, iniinspeksyon kung sumusunod sa Philippine Standards o PS quality at Import Commodity Clearance (ICC) ang mga locally-made na produkto.
Kabilang sa mga ininspeksyon ng DTI kasama ang senador ay ang mga presyo ng construction materials, gaya ng tiles, plywood, at mga appliances.
Ayon kay Senator Mark, maliban sa mga home improvement equipment at fixtures ay mahalaga ring ma-monitor ang presyo ng mga pagkain at bulaklak para masigurado na patas ang presyo para sa ating mga mamimili.
Kasabay naman nito ay nanawagan ang senador sa publiko na tumulong sa pagre-report ng mga nagbebenta ng mga produktong hindi sumusunod sa standard retail price (SRP) ng DTI at sa quality standards.
Maaari aniyang tumawag sa DTI hotline 1394 o sa anumang social media account (Facebook at Instragram) ng DTI Consumer Care Pages o sa kanilang email address na [email protected]. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion