Hinihintay na ng Department of Education (DepEd) ang opisyal na ulat ng kanilang Schools Division Office sa Antipolo City.
Ito’y kasunod ng pinakahuling development ukol sa pagkamatay ni Francis Jay Gumikib ng Peñafrancia Elementary School sa nabanggit na lungsod ilang araw matapos makaranas ng pananakit mula sa guro.
Ayon kay DepEd Spokesperson, Undersecretary Michael Poa, sa mga balitaan pa lamang nila nalaman na natapos na ng PNP Forensic Group ang autopsy report.
Una nang kinumpirma ng Antipolo City Police na batay sa autopsy report, hindi sa sampal ng guro nasawi si Francis Jay kundi sa isang rare condition na nagresulta sa pagputok ng ugat sa ulo at pamamaga ng utak nito.
Magugunitang pinatawan ng Kagawaran ng 90 araw na suspensyon ang guro ni Francis Jay na nanakit umano sa kaniya bilang bahagi ng imbestigasyon.
Kasunod nito, nilinaw ni Poa na ang ipinataw na suspensyon sa guro ay hindi dapat ituring na parusa kundi isang preventive measure upang hindi nito maimpluwensyahan ang takbo ng imbestigasyon. | ulat ni Jaymark Dagala