Mariing kinondena ng US Congressional leaders ang huling insidente ng ilegal na pagkilos ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ito ang nakapaloob sa statement na inilabas ngayong araw ni US House Foreign Affairs Committee Chairman Michael McCaul (R-TX), Ranking Member Gregory W. Meeks (D-NY), Subcommittee on the Indo-Pacific Chairwoman Young Kim (R-CA), at Ranking Member Ami Bera (D-CA).
Dito’y nagpahayag ng buong suporta ang mga Amerikanong mambabatas sa Pilipinas, kasunod ng insidente nitong nakaraang Linggo, kung saan anila’y sadyang binangga ng Chinese Coast Guard at maritime militia vessels ang barko ng Philippine Coast Guard.
Tinukoy nila ang insidente bilang patuloy na paglabag ng China sa international Law, paglalagay sa panganib ng buhay ng mga Pilipino, at paghadlang sa mga barko ng Pilipinas na maglayag sa kanilang Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sinabi ng mga mambabatas na ito ay bahagi ng mas malawak na “pattern” ng agresibong pagkilos at sadyang panghihimasok sa EEZ ng mga bansa sa rehiyon ng People’s Liberation Army Navy, Maritime Militia, at Chinese Coast Guard.
Malugod ding tinanggap ng mga mambabatas ang pahayag ng Biden Administration na palalawakin ang joint patrols kasama ang Pilipinas at iba pang kaibigang bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne
📷 AFP