Isang masayang okasyon at masasarap na pagkain ang naghihintay sa lahat ng mga dadayo sa opisyal na pagbubukas ng kauna-unahang Manila Halal Food Festival 2023 hatid ng Manila Restaurant Week.
Tila star-studded ang pormal na pagbubukas ng programang ito dahil sa dami ng mga dumalong VIPs tulad nila Manila Vice Mayor Yul Servo, Indonesia Ambassador to the Philippines Agus Widjojo, Malaysian Ambassador to the Philippines His Excellency Abdul Malik Melvin Castelino, Brunei Ambassador to the Philippines, Her Excellency Megawati Dato Paduka Haji Manan at marami pang iba na silang nagpamalas ng suporta sa pakikiisa at pakikipagtulungan sa mas pinalakas na Halal industry ng ating bansa.
Dito, sinabi ni Department of Tourism Undersecretary Myra Paz Valderossa-Abubakar, ang pagkilala ngayon ng national government sa Halal industry. Aniya, isa sa mga isinusulong ngayon ng ating bansa ay ang maging Halal & Muslim friendly tourist destination. Dahil aniya sa nakikita nilang datos, may pagtaas sa pagpili ng mga turista na sa ating bansa pumasyal dahil narin sa ating Muslim Tourism na angkop sa Muslim tourists.
Ibinahagi rin ni Valderossa-Abubakar ang isang imbitasyon sa lahat sa pinakaaabangan nilang programa sa Disyembre, ang kauna-unahang Halal & Trade Expo na magaganap sa Mall of Asia.
Ani ni Director Shey Sakaluran Mohammad ng Manila Muslim Affairs, ang event na ito ay hindi lamang para sa mga Muslim, bagkus, isang commitment para sa pagkakaisa at religious tolerance. Isang pagpapakita umano ng makulay na kultura ng mga Muslim-Filipino at matikman ng bawat Pilipino ang mga halal na pagkaing hatid ng mga kababayan natin. Pangalawa, mas lalong bigyan ng kahalagahan ang mga local business owner lalo na sa lumalakas na panawagan sa Halal industry.
Pinasalamatan din ni Mohammad ang City Government of Manila Mayor Dra. Honey Lacuna sa suportang ipinamalas nito sa ngalan ng pagkakaisa. Gayundin ang Bureau of Permits Manila, Local Economic Development & Investment Promotions Office (LEDIPO-Manila) at ang mga partners nito tulad ng Halal Development Institute of the Philippines Inc., Bangsa Moro Federal Business Council, Inc., Globe Telecom at Salaam Radio.
Ang Halal Festival ay bukas oras ng 10am hanggang 9pm at magtatapos ito hanggang October 13, 2023 (Friday) na matatagpuan sa Bonifacio Shrine, Ermita, Manila. | ulat ni Princess Habiba Sarip-Paudac