Nag-ikot si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian sa ilang pampublikong sementeryo sa lungsod bilang paghahanda sa #Undas2023.
Kasama sa ininspeksyon ng alkalde ang kaayusan at kalinisan ng bawat sementeryo.
Siniguro rin nitong lahat ng sementeryo ay may mga nakalatag na medical booth at public assistance help desks para sa kaligtasan ng mga magtutungo sa sementeryo.
Una nang naglabas ng traffic plan ang Valenzuela LGU para sa mga dadalaw sa iba’t ibang sementeryo sa lungsod ngayong Undas.
Para sa mga tutungo sa Polo Catholic Cemetery at Polo Memorial Park mula Oct. 31-Nov. 1, ay isasara sa trapiko ang Maligaya Street simula F. Valenzuela Street hanggang sa sementeryo.
Magpapatupad naman ng one-way traffic scheme sa F. Valenzuela kung saan ipagbabawal ang pagparada ng sasakyan sa kalsada.
Para naman sa mga magtutungong Arkong Bato Public Cemetery, nag-abiso ang LGU na isasara rin ang daan sa kahabaan ng Cordero St. na patungong sementeryo.
Samantala, paiiralin naman sa Nov. 1 ang one-way traffic sa C. Molina St. mula corner T. Santiago St. patungong Valenzuela Memorial Park.
Habang para sa mga bibisita sa Karuhayan Public Cemetery, Saint John Cemetery, Saint Perpetua Cemetery at Saint Angelus Cemetery ay ipinabatid ring sarado sa lahat ng sasakyan ang G. Marcelo St. mula a. Marcelo St. hanggang corner. NLEX service road epektibo sa November 1. | ulat ni Merry Ann Bastasa