Ipinaabot ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pakikiisa ng Pilipinas sa paghahanap ng mga hakbang upang matigil na ang nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, partikular na sa pagitan ng Israel at Palestina.
Sa kaniyang video message, hinimok ng Pangalawang Pangulo ang mga Pilipino na magkaisa upang sama-samang ipanawagan sa International Community na tuldukan na ang mga nararanasang gulo sa pamamagitan ng mapayapang pag-uusap.
Binigyang-diin pa ni VP Sara na ang nangyayaring sigalot sa Gitnang Silangan ay may malaking epekto hindi lamang sa kaligtasan ng mga Pilipinong nasa Israel kundi maging sa mga kamag-anakan na naririto sa bansa at sa ekonomiya.
Kasunod nito, pinaghahanda rin ni VP Sara ang mga Pilipino sa inaasahang tag-gutom na maaaring maranasan dulot ng sigalot kaya dapat matiyak ang seguridad sa pagkain sa gitna ng pandaigdigang krisis. | ulat ni Jaymark Dagala