Mariing itinanggi ng Office of the Vice President (OVP) ang mga kumakalat na video sa social media hinggil sa diumano’y si Vice President Sara Duterte ang naging sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Makikita kasi sa video na tinanong ng hindi natukoy na indibidwal ang isang pulis kung isinara ang bahaging iyon ng kalsada.
Sinagot siya ng pulis na nakilalang si Sgt. Pantallano na may daraan umanong Very Important Person (VIP) at nang tanungin kung sino ay sinabing si VP na tumutukoy kay VP Sara Duterte.
Dito ay agad ibinarega ng pulis ang kanilang mobile para isara ang naturang lane na siyang nagdulot naman ng napakabigat na daloy ng trapiko.
Kasunod nito, nagpadala ng liham mismo si Vice President Duterte kay Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Rederico Maranan.
Doon, iginiit ng Pangalawang Pangulo na hindi niya hiniling o maging ng kaniyang tanggapan ang ganoong uri ng hakbang na siyang magpapahirap sa kapwa Pilipino.
Dahil dito, hiniling ni VP Sara sa pamunuan ng QCPD na siyasating maigi ang insidente lalo’t malaki ang idinulot na abala sa publiko ng ginawa ng kanilang tauhan.
Una rito, nilinaw ng OVP na nasa Butuan City ang Pangalawang Pangulo kung saan nito pinangunahan ang pagdiriwang ng World Teachers’ Day kaya’t malinaw anila na isa itong panlilinlang. | ulat ni Jaymark Dagala