Kinumpirma ng liderato ng Senado na tinangkang i-hack ang website nito noong Linggo o kasabay ng araw na nabiktima ng cyberattack ang website ng Kamara.
Sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., nang nalaman nilang na-hack ang website ng Kamara ay agad nilang inalerto ang kanilang information technology (IT) team, at itinuloy-tuloy na ang monitoring.
Sa ulat aniya sa kanya ng kanilang IT team ay tumaas ang pagtatangkang ma-access ang Senate website noong Linggo.
Siniguro rin ni Bantug, na nakapaglatag na sila ng mga perimeter at application wall sa Senate website pero tuloy-tuloy pa rin naman aniya ang ginagawa nilang adjustments.
Ipinahayag rin ng Senate Secretary, na sa panahon ng modernong teknolohiya ay nagiging karaniwan na ang ganitong mga pagtatangka, at patuloy naman ang ginagawa nilang adjustment sa kanilang seguridad. | ulat ni Nimfa Asuncion