Tinatayang milyong pisong halaga ng high grade cocaine ang napulot sa baybaying dagat ng Narra, Palawan nitong nakalipas na linggo.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan Provincial Office, isang concerned citizen ang naglalakad sa dalampasigan ng Purok Pagkakaisa, Brgy. Calategas, Narra nang mapansin ang waterproof fabric bag na naglalaman ng white powdered substance.
Agad na itinurn-over ang napulot na bagay sa mga otoridad at nang suriin ay natuklasan na cocaine na tumitimbang na 1,440 gramo ang laman ng bag.
Ayon sa PDEA Palawan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong narekober na mataas na kalidad ng iligal na droga sa kanilang lalawigan.
Hinihinalang bukod sa unang natagpuan ay may iba pang mga kasama na katulad nito ang posibleng ipinaanod din ng mga drug syndicate mula sa ibang lugar sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer