Target ng Kongreso na malagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang 2024 national budget sa December 10.
Sa pulong balitaan sa pagbubukas ng 31st Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) ngayong araw, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nais nilang bago magtungo sa Japan si Pangulong Marcos para sa isang official visit ay mapirmahan na ang 2024 General Appropriations Act (GAA).
Base sa schedule ng Senado, sa susunod na linggo ay inaasahang maisasailalim na sa period of amendments ang 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Matapos nito ay maari na aniyang maipasa na nila sa 2nd at 3rd reading ang 2024 GAB hanggang sa Miyerkules ng susunod na linggo.
Matapos nito ay sasalang na agad sa bicameral conference committee ang panukalang pambansang budget para mapagkasundo ang bersyon ng Senado at Kamara.
Ibinahagi naman ni Zubiri na nagkaroon na sila ng inisyal na pag-uusap nina House Speaker Martin Romualdez kasama sina Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara at House Appropriations Elizaldy Co tungkol sa panukalang pondo.
Kabilang sa mga paunang idinetalye ng senate leader ang pagdadagdag sa pondo ng Assistance in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD na makakatulong aniya sa mga kababayan nating apektado ng pagbaha sa Samar at malakas na lindol sa Saranggani, Davao Occidental. | ulat ni Nimfa Asuncion