Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang tatlong babaeng biktima ng ‘sex trafficking’ at dalawang hinihinalang recruiter sa Ninoy Aquino International Airport na patungo sanang Taiwan.
Sinabi ng immigration na naharang ang tatlong biktima at dalawang hinihinalang recruiter sa NAIA Terminal 3 bago sila makasakay ng Cebu Pacific Air flight papuntang Taipei.
Ang limang pasahero ay isinailalim sa karagdagang screening matapos magbigay ng hindi magkatugmang mga sagot sa mga tanong ng mga opisyal ng imigrasyon at sa kabiguan na ipaliwanag ang layunin at itinerary ng kanilang paglalakbay.
Base sa report ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang mga babae ay nag-claim na sila ay mga freelance na modelo na magtutungo sa Taipei para sa isang basic training course sa Chinese language.
Gayunpaman, umamin kalaunan ang mga biktima na sila ay na-recruit ng isang tao sa Facebook na nag-alok sa kanila ng mga trabaho bilang short-time sex worker para sa mga dayuhang customer sa Taiwan.
Nai-tinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang limang pasahero para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter. | ulat ni AJ Igancio