Ipinapatupad simula ngayong araw, Nobyembre 15 ang tatlong buwang fishing ban sa sardinas o isdang tamban sa East Sulu Sea, Basilan Strait at Sibuguey Bay.
Sa pangunguna ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 9 (BFAR-9), layunin nito na mapangalagaan ang marine resources ng bansa at maparami pa ang populasyon ng sardinas sa lugar.
Ginanap kahapon ang ika-13 send-off ceremony sa lungsod ng Zamboanga para sa paglayag ng mga patrol vessels ng BFAR kasama ang ibang mga ahensya tulad ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) Maritime Group na siyang inatasan upang hulihin ang lalabag sa fishing ban.
Matatandaan na inilipat ng mas maaga ang pagpapatupad ng fishing ban ngayong taon matapos aprubahan ng National Fisheries and Aquatic Resources and Management Council (NFARMC) na ilipat ang panahon ng pagpapatupad ng tatlong buwan na closed fishing season sa karagatang sakop ng Zamboanga Peninsula para sa isdang tamban.
Ang closed fishing season na sinimulan noong taong 2011 sa bisa ng BFAR Administrative Circular No.255 ay taun-taong ipinapatupad at magtatagal hanggang Pebrero 15. | via Shirly Espino | RP1 Zamboanga