Pormal nang sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang 69 na korporasyon at mga opisyal nito.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., 15 kasong kriminal ang isinampa laban sa mga buyer at seller ng ghost receipts na nahuli sa ilalim ng Run After Fake Transactions Task Force ng BIR.
Tinatayang aabot sa P1.8 billion ang tax liability ng respondents.
Ipinangako ng BIR na kakasuhan ng civil at criminal charges ang lahat ng korporasyon, mga opisyal ng korporasyon, at mga accountant na sangkot sa nasabing sindikato.
Pagtiyak pa ni Lumagui, na may kasunod pang set ng criminal cases ang isasampa ng BIR.
Ang mga buyer at seller ng ghost receipts ay mula sa iba’t ibang industriya gaya ng construction at hardware, marketing of goods, equipments, office supplies, automotive oil, trading of metals, contractor electrical at mechanical system, hotel, at mga serbisyo sa pagkain.
Sinabi pa ni Lumagui, na ipinapakita nito ang laki ng sindikatong ito dahil saklaw ang hanay ng mga industriya. Malinaw na nilabag ng mga buyer at seller ang National Internal Revenue Code. | ulat ni Rey Ferrer