Matagumpay ang National Government-Bangsamoro Government Intergovernmental Relations Body (IGRB) sa pangunguna nina Department of Budget and Management (DBM) Amenah Pangandaman at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Minister Mohagher Iqbal sa pagsusumite ng lahat ng pitong mekanismo ng IGRB sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law.
Ang ika-16 na pagpupulong ng IGRB, na ginanap sa Lungsod ng Davao noong nakaraang linggo, ay tumutok sa mga mahahalagang isyu tulad ng pagtatag ng regional na tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) at pagkilala sa Bangsamoro Land Transportation Office sa pagbibigay ng lisensya sa mga drayber, pag-renew ng rehistro ng sasakyan, at iba’t ibang kaugnay na transaksyon sa rehiyon.
Positibong sinabi naman ni Sec. Pangandaman, na sa bawat sesyon ng IGRB, mas lumalapit sila sa pangarap ng isang maunlad na Mindanao at ng isang BARMM na nagniningning bilang “land of promise”.
Ang pagpupulong ay dinaluhan din ng mga opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad nina Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez Jr., mga Ministers ng BARMM at marami pang iba. | ulat ni EJ Lazaro