Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang nakatakdang pag-uwi ngayong araw ng may walong Overseas Filipino Workers (OFWs) buhat sa Lebanon.
Ito’y kasunod na rin ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Israeli forces at ng Lebanese militant group na Hezbollah na nakikisimpatiya sa grupong Hamas ng Palestine.
Batay sa abiso ng DMW, alas-10 mamayang gabi inaasahang darating ang mga nabanggit na OFW sakay ng Qatar Airways Flight QR928 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Ito na ang ika-9 na batch ng mga Pilipinong piniling umuwi sa bansa matapos maipit sa tumitinding tensyon sa Lebanon.
Ayon naman sa Embahada ng Pilipinas sa Beirut, aabot na sa 23 distressed OFWs ang kanilang napauwi sa bansa makaraang i-akyat sa Level 3 ang crisis alert sa Lebanon. | ulat ni Jaymark Dagala