Nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsulong ng exploratory talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para wakasan ang armadong pakikibaka.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, ang inisyatiba, kasabay ng una nang idineklarang amnestiya ng Pangulo sa mga miyembro ng mga rebeldeng grupo, ay makakapagligtas ng maraming buhay, lalo na sa panig ng CPP-NPA.
Sinabi ni Trinidad na welcome development din ang pagiging bukas ng NDF sa pagsulong ng mga pagbabago sa lipunan sa mapayapang paraan sa halip na sa pamamagitan ng armadong pakikipaglaban.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman Philippine Army Public Affairs Office Chief Lieutenant Colonel Louie Dema-ala na umaasa ang Philippine Army na ang mga nalalabing miyembro ng CPP-NPA ay susunod sa yapak ng NDF at magbaba na ng armas.
Dahil wala pa aniyang pinal na peace framework, magpapatuloy ang Internal Security Operations ng Philippine Army laban sa mga armadong grupo. | ulat ni Leo Sarne