Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnaldo Ignacio na mayroong mga problemang kinakaharap ang bansa gaya ng kaguluhan sa Israel na sanhi ng pagkamatay ng ilang mga OFWs, nakikita ng mga Pilipino ang pagkakaisa ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Sa kanyang pangunguna sa ginawang Hero’s Welcome para kay Angeline P. Aguirre, ang Pinay Caregiver na nasawi sa paglusob ng militanteng Hamas sa Israel, sinabi ng administrador ng OWWA na bagama’t mabigat at nakakalungkot ang mga pangyayari, nagpapasalamat parin ito dahil marami ang nagbibigay ng tulong.
Dagdag pa ni Ignacio, ngayon din ay nararamdaman at nakikita ng publiko na ang pamahalaan ay hindi nang-iiwan at hindi na rin kailangan pang abutin dahil sila na mismo ang lumalapit sa mga kailangan nilang matulungan.
Samantala, para naman sa kaso ni Aguirre, awtomatiko aniyang tatanggapin ng kanyang pamilya ang lahat ng mga benepisyong dapat nitong makuha bilang aktibong miyembro ng OWWA.
Si Aguirre ay nasawi noong October 7, 2023 matapos lusubin ng grupo ng Hamas ang lugar nito ng trabaho sa Israel.
Batay sa impormasyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW), sa kabila ng banta sa kanyang seguridad at kaligtasan, hindi iniwan ni Aguirre ang kanyang inaalagaang pasyente.
Kahapon, November 3, ay dumating sa Pilipinas ang mga labi nito at ngayong araw, November 4, ay ginawaran ito ng Hero’s Welcome ng OWWA sa tahanan nito sa Barangay Balagan, Binmaley.
Bukas, November 5, nakatakda naman itong ihatid sa kanyang huling hantungan, sa Forest Lake Memorial Park sa lungsod ng San Carlos.| ulat ni Ruel L. de Guzman| RP1 Dagupan