Tuluyan nang masisibak sa serbisyo ang Pulis na nag-amok, nagpaputok ng baril at nagbanta sa waiter ng isang bar sa Quezon City noong Linggo na si P/Lt.Col. Mark Julio Abong.
Ito’y makaraang ibasura ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang apela ni Abong may kaugnayan naman sa dismissal order laban sa kaniya ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (PLEB).
May kaugnayan naman iyan sa kasong Hit and Run na kinasangkutan ni Abong noong isang taon na nagresulta sa pagkasawi ng binangga nitong tricycle driver at ikinasugat ng pasahero nito na tinangka pang i-cover up.
Batay sa kopya ng resolusyong nakalap ng Radyo Pilipinas, nakasaad na pinagtibay nito ang naunang pagbasura ng Regional Appelate Board NCR 1st Division noong Agosto 24 at Setyembre 22 na nagbabasura sa apela ni Abong dahil sa kawalan ng merito.
Dahil dito, maaari nang i-execute ang dismissal order ng PLEB laban kay Abong bukod pa sa kasong Administratibo at Kriminal na kinahaharap niya ngayon dahil sa panibagong insidenteng kaniyang kinasasangkutan.| ulat ni Jaymark Dagala