Narekober ng mga tropa ng 10th Infantry “Steady On” Battalion ng Philippine Army ang isang arms cache o imbakan ng mga armas ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lalawigan Misamis Occidental.
Ayon kay Lt. Col. Jose Andre Monje, kumandante ng 10th IB, ang imbakan ng mga armas ay nahukay ng mga tropa ng Charlie Company ng 10th IB na pinamumunuan ni 2Lt. Quintin Guiriba IV sa Barangay Esperanza sa bayan ng Aloran ng nabanggit na lalawigan.
Ang arms cache ay nadiskobre sa pamamagitan ng pagbubunyag ng dating mga rebeldeng NPA, na sumuko kamakailan lamang sa tulong at kooperasyon ng komunidad.
Ang mga armas na nakuha mula sa arms cache ay ang limang M-14 rifle, apat na M1 Carbine, dalawang M-16 Armalite rifle, isang Garand rifle, isang M-79 grenade launcher, mga magazine, at sari-saring mga bala.
Kinilala naman ni Col. Monje ang tapat na kooperasyon ng mga miyembro ng komunidad, at iginiit na ang kanilang suporta ay tanda ng kanilang pagtakwil sa mga kasinungalingan, propaganda, pandaraya, at ideolohiya ng komunista.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay