Matapos ang mga bayan ng San Guillermo at Echague, inaasahang susunod nang maideklara bilang insurgency-cleared ang mga bayan ng Jones at San Agustin, na kabilang sa tinatawag na JESSA Complex sa lalawigan ng Isabela.
Ang JESSA Complex ay binubuo ng mga bayan ng Jones, Echague, San Agustin, San Guillermo at Angadanan.
Ayon kay 502nd Infantry Brigade Commander Brigadier General Eugene Mata, ang JESSA Complex ang unang pinamugaran ng Communist Terrorist Group sa lalawigan kung saan nagsimulang magpalakas ng pwersa ang mga makakaliwang grupo.
Nabatid kay Mata, na nagkakaroon na sila ng pag-uusap sa mga alkalde ng naturang mga bayan para sa tuluyan nang pagdeklara sa mga ito.
Aniya, isa sa rekisitos sa pagdedeklara sa isang bayan bilang malaya na mula sa insurhensiya ay ang pagpapasa ng municipal resolution na isinasagawa na rin sa naturang dalawang bayan.
Sa ngayon ay tatlong munisipalidad na ang naidedeklarang insurgency-free sa lalawigan, kabilang pa rito ang bayan ng San Mariano na pinakaunang naideklara sa probinsiya. | ulat ni April Racho | RP Tuguegarao
📸 5th ID, Philippine Army