Hindi pa ramdam ng mga nagtitinda ng manok sa Marikina City Public Market ang Kapaskuhan.
Ito’y dahil sa nananatiling matumal ang bentahan ng manok kahit pa mayroon namang sapat na suplay nito.
Ayon sa ilang nagtitinda ng manok, hindi pa sila makabawi sa kanilang kapital dahil kakaunti lamang ang namimili sa ngayon.
Nagkakahalaga kasi ng P180 ang kada kilo ng dressed chicken habang pumapalo naman sa P190 ang kilo ng branded na manok.
Naglalaro naman sa P200 hanggang P220 ang kada kilo ng choice cut na manok na doble kumpara sa farm gate price nito.
Ayon sa United Broiler Raisers Association, naglalaro lamang sa P68 hanggang P70 ang kada kilo ng farm gate price ng manok.
Nakapagtataka aniya ito lalo’t nasa P102 lamang ang kada kilo ng manok kapag dumaan na ito sa dressing plant bago dalhin sa mga palengke. | ulat ni Jaymark Dagala