Kinokonsidera ng bicameral conference committee panel para sa 2024 General Appropriations Bill (GAB) na ibalik ang confidential fund ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng binubuo nilang 2024 national budget.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperon Sonny Angara, nakikita nila ang kahalagahan ng confidential fund ng DICT dahil sa dumaraming kaso ng cyber attacks at cyber crimes.
Binigyang diin ni Angara na nasa cyberspace na ngayon ang mga giyera kaya dapat lang na bigyan ng sapat na gamit at kakayahan ang DICT na tugunan at labanan ito.
Una nang humiling ang DICT ng P300 million na confidential fund para sa kanilang magiging budget sa susunod na taon.
Bukod sa DICT, wala nang balak ang bicam panel na ibalik pa ang confidential fund ng ibang civilian agencies na kanila nang ni-realign sa security agencies.
Samantala, nagkasundo ang panel na ipauubaya sa kanilang mga chairperson ang pag-uusap sa mga magkakaibang probisyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso ng 2024 GAB. | ulat ni Nimfa Asuncion