Pinuri ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa proyekto nito upang i-showcase ang malikhaing gawa ng persons deprived of liberty (PDLs).
Magsisilbi rin itong oportunidad para sa mga ito na manatiling productive habang sila ay nakakulong.
Bilang bahagi ng kanyang mission na tulungan ang PDLs, magkatuwang ang kanyang congressional office at BJMP sa launching ng PDL Livelihood Products Exhibit sa House of Representatives’ Batasan Complex.
Ayon sa mambabatas, bahagi ng kanilang tungkulin na tiyaking kasama ang PDLs sa mabuting kinabukasan dahil hindi lamang sila mga bilanggo, kung hindi mga indibidwal na may pangarap, may kakayahan, at may karapatan sa pangalawang pagkakataon.
Pinasalamatan din ni Yamsuan ang hepe ng BJMP na si Director Ruel Rivera at iba pang opisyal ng ahensya sa pagtatayo ng mga exhibit, at pagpapatupad ng mga proyekto para sa rehabilitasyon ng PDLs. | ulat ni Melany Valdoz Reyes