Umaasa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaaring bumaba ang bilang ng mga lumalabag sa mga panuntunan kaugnay sa EDSA busway.
Ayon kay MMDA Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija, 197 motorista ang nahuli sa iba’t ibang lugar nitong Martes, November 14.
Noong Lunes ay umabot sa 409 ang nahuli sa kabila ng unang araw ng pagtaas ng mga parusa at multa.
Ilan sa mga dahilan na kanilang natanggap sa mga nahuli ay hindi pa alam ang implementasyon ng pagtaas ng mga parusa, bagama’t alam nilang hindi sila pinapayagan sa EDSA busway.
Aniya, kadalasan ay mayroong adjustment period na dalawa hanggang tatlong araw sa pagpapatupad ng bagong polisiya na kapwa para sa mga enforcer at motorista.
Kasunod ng paulit-ulit na tangkang pagtakas ng mga nahuling motorista, sinabi niya na ang mga tumakas ay kadalasang nahuhuli pa rin sa ibang pagkakataon at nahaharap sa mas mabibigat na parusa. | ulat ni Mary Rose Rocero