Ikinababahala ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco ang posibilidad ng muling pagkabuhay ng ‘sex tourism’ sa bansa.
Ito ay sa kabila aniya ng sunod-sunod na pagkakahuli ng mga sex offender na nagtatangkang pumasok sa Pilipinas.
Matatandaang kamakailan lamang ay nakahuli ang border control and enforcement unit ng isang foreign national na nagtangkang pumasok sa bansa habang may mga kinakaharap na sex crimes.
Kinilala ang naturang foreign national na si Terry Lynn Spies, 60 taong gulang na agad pinabalik ng Estados Unidos matapos makupirma ang pagkakakilanlan nito.
Ayon kay tansingco, isa lamang si Spies sa 140 na sex offenders na nagtangkang pumasok sa bansa at naharang ng immigration.
Paliwanag ni Tansingco, ang muling pagbubukas ng turismo sa bansa ay posibleng abusuhin ng sex offenders kaya nagpupuntahan na ang mga ito dito.
Kaya naman binalaan ni Tansingco ang mga ito na nagbabalak pumasok sa bansa na huwag nang magtangka pa dahil mayroong close coordination ang Pilipinas sa iba’t ibang gobyerno sa mundo kung saan ang mga ito ang nagbibigay ng impormasyon kung may nagpaplanong sex offender na pumasok sa Pilipinas. | ulat ni Lorenz Tanjoco