Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program, sabayang inilunsad sa NCR at Laguna ngayong araw

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez, kasama ang ilan pang mambabatas ngayong Linggo ang pag-arangkada ng Cash Assistance and Rice Distribution o CARD Program.

Ang CARD program ay tugon sa hamon ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr., sa House Speaker na bumuo ng programa para maabutan ng mura at kalidad na bigas ang mga mahihirap.

Katuwang ng Kongreso sa programang ito ang DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian na siyang naatasang tumukoy sa mga benepisyaryo.

“Makasaysayan po ang araw na ito, hindi lamang dito sa Laguna kundi maging sa buong Metro Manila. Ngayong umaga, pormal nating sisimulan ang pinakabagong programa ng ating pamahalaan — ang Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program,” saad ni Speaker Romualdez.

Sabayang inilunsad ang CARD sa 33 distrito sa NCR na may tig 10,000 mahihirap at vulnerable na benepisyaryo o kabuuang 330,000 na indibidwal.

Nagkaroon din ng pamamahagi ng tulong sa 3,000 na benepisyaryo sa Biñan City na sinaksihan mismo ni Romualdez at 2,000 Sta. Rosa City sa Laguna.

Sumatutal, kabuuang 335,000 na indibidwal na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, solo parents at IPs ang nakabenepisyo sa unang sigwada ng programa.

Makatataggap sila ng P2,000: P950 para sa 25 kilong bigas sa presyong P38 kada kilo at P1,050 pambili ng iba pang pagkain.

Inaasahan na dadalhin din ang programa sa iba pang panig ng bansa kasama ang Visayas at Mindanao.

“Layunin po natin na palawakin ang programang ito hindi lamang sa buong Luzon kundi sa lahat ng panig ng bansa. Uunahin lamang natin ang mga siyudad maging sa Visayas at Mindanao kung saan mayroong kakulangan sa suplay ng mura at de-kalidad na bigas,” paliwanag ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us