Hindi sinang-ayunan ng China at Russia ang isinusulong ng Japan na denuclearization ng Korean Peninsula ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Dahil dito, malabo nang makapaglabas ng resolusyon ang 31st Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) sa usaping ito.
Ipinunto ni Dela Rosa na bilang mga kaalyadong bansa ng North Korea ay maraming oposisyon ang Russia at China sa draft resolution ng Japan tungkol sa naturang paksa.
Una nang ipinaliwanag ng senador na sa rules ng APPF, kailangang magkaroon ng consensus o dapat 100% na sumang-ayon ang lahat ng mga member-states sa isang draft resolution.
Isang oposisyon lang sa draft resolution ay mababasura na ito.
Sa draft resolution ng Japan, ipinapahayag nito ang pagkabahala sa ginagawang nuclear tests, ballistic missile launches at iba pang katulad na aktibidad ng North Korea na aniya’y nagdudulot ng banta sa peace at stability sa Northeast Asia. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion