Nasa 41 bago ang Pasko, pormal nang binuksan ng Marikina City LGU ang kanilang Christmas Shoe Bazaar at Food Park o tinatawag na Banchetto.
Layon nito na mapatatag ang industriya ng pagsasapatos na siyang tatak Marikeño at matulungan din ang mga maliliit na negosyo sa lungsod.
Pinangunahan nila Marikina City Mayor Marcelino Marcy Teodoro at asawa nitong si 1st District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang pagbubukas ng naturang Bazaar at Banchetto kahapon.
Dito, binigyang-diin ni Mayor Teodoro ang kahalagahan ng pagbubukas sa publiko ng mga dekalidad, matibay at abot-kayang mga sapatos, bag, at iba pang produktong gawa sa balat na gawa ng mga Marikeño.
Kasunod nito, nilagdaan din ni Mayor Teodoro ang City Ordinance no. 121 Series of 2023 na naggagawad ng exemption sa mga retailer ng sapatos at iba pang retailer ng mga produktong balat sa pagbabayad ng renta at kuryente sa kanilang puwesto sa Bazaar.
Magtatagal ang naturang Christmas Shoe Bazaar at Banchetto sa Multi-Level Parking Building ng Marikina City Hall hanggang sa Enero ng susunod na taon. | ulat ni Jaymark Dagala