Maraming suplay ang mga tropa sa Ayungin Shoal sa pamamagitan ng regular na Rotation and Resupply (RoRe) Mission, kaya hindi kailangan sa panahong ito ang binabalak na civilian Christmas Carvan patungo sa lugar.
Ito ang inihayag ni National Security Council (NSC) Spokesperson, Assistant Director General Jonathan Malaya kaugnay ng plano ng pribadong koalisyong “Atin ito”, na magdala ng mga pamasko sa mga tropa na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.
Sa isang statement, sinabi ni Malaya na bagamat suportado ng NSC ang layunin ng grupo na magdala ng “holiday cheer” sa mga tropa, ang naturang hakbang sa Ayungin Shoal ay “ill-advised” sa panahon na mataas ang tensyon sa lugar.
Sinegundahan ni Malaya ang unang naging suhestyon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., na sa halip na sa Ayungin Shoal, ay sa ibang okupadong lugar ng Pilipinas sa Kalayaan nalang magsagawa ng Christmas Caravan kung saan may mga tropa ding makikinabang.
Maari din naman aniya na i-turn over ng grupo sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard ang kanilang mga nakalap na donasyon para sa mga tropa sa Ayunging Shoal, at sila nalang ang maghahatid nito kasabay ng regular na RoRe Mission. | ulat ni Leo Sarne